
Ngayong Araw ng Kalayaan, habang iwinawagayway ang watawat sa iba't ibang panig ng bansa, habang inaawit ang pambansang awit sa mga palatuntunang puno ng dangal, isang tanong ang marahang bumabagabag sa aking isipan: Tunay na nga ba tayong malaya?
Oo, wala nang banyagang bandila ang nakatanim sa ating lupa. Wala nang dayuhang sapilitang nang-aalipin sa ating bayan. Ngunit sa kabila ng kasarinlang nakaukit sa kasaysayan, tila may tanikala pa ring hindi mapatid. Mga tanikalang hindi gawa ng mananakop, kundi bunga ng pagkakait sa katarungan, pagkakapantay-pantay, at dignidad ng sarili nating lipunan.
Sa kanlurang bahagi ng ating kapuluan, patuloy na kinukwestiyon ang ating soberanya. Ang West Philippine Sea na ayon sa batas at kasaysayan ay bahagi ng ating bansa ay pilit inaangkin ng mga banyaga. Inuubos ang ating yamang-dagat, hinaharang ang ating mangingisda, at ginagawang banyaga ang sarili nating dagat. At sa bawat pag-atake, kasabay ang katahimikan ng ilan sa may kapangyarihan, tila ang ating kalayaan ay isang lumang kasulatan na ngayon ay binabalewala ng kawalang paninindigan.
Ngunit hindi lang sa dagat umiigting ang laban.
Bilang mamamahayag, araw-araw kong nasasaksihan ang mga kuwentong hindi nailalathala. Mga kuwentong pinipilit ilibing sa katahimikan hanggang sa makalimutan. Ang bawat pagtuklas ng katotohanan ay tila isang hakbang palayo sa kaligtasan, lalo na sa panahong ang pag-uulat ay itinuturing nang krimen. Ngunit kahit anumang hamon ang humarang sa amin, hindi titigil ang mga tagapaghatid ng balita. Dahil kung ang malayang pamamahayag ay patatahimikin, sinong magsisiwalat ng katotohanan? At sino ang magtutuwid sa kamalian, kung mismong ang sistemang dapat pumrotekta ay siya mismong nang-aapi?
Tingnan natin ang kalagayan ng mga magsasaka. Sila na nagpapakain sa sambayanan, ngunit sila rin ang pinakanagugutom. Itinatakda ng palengke ang presyo ng bigas, ngunit hindi ng palay. Isang kilo ng kanin ay kayang ibenta sa halos limampung piso, habang ang magsasaka'y binabayaran ng barya. Saan naroroon ang hustisya?
Pakinggan natin ang hinaing ng mga manggagawa. Tila musmos pa rin ang minimum wage kumpara sa presyo ng mga pangunahing bilihin. Isang araw ng pagtatrabaho, hindi sapat pambuhay sa isang araw ng pamilya. At habang nananatiling nakapako ang mga pangako ng ilan sa kapangyarihan, nananatiling abot-tanaw lamang ang dignidad ng hanapbuhay.
At paano naman ang mga kasapi ng LGBTQIA+? Sa paningin ng batas, pantay raw ang lahat. Ngunit sa mga paaralan, opisina, simbahan ay may mga tingin na nangliliit, may mga salita na nanlalait, at may mga karapatang binubura. Ang bahaghari, sa halip na yakapin, ay tinatakpan. At ang pagmamahal, sa halip na ituring na karapatan, ay pinagmumulan pa ng pang-uusig.
Kung gayon, ano nga ba ang kahulugan ng kalayaan?
Kalayaan ba ang matahimik sa harap ng mali? Kalayaan bang ituring na normal ang diskriminasyon, kahirapan, at kawalan ng katarungan? Kalayaan bang umiral sa isang bansang pinatatahimik, pinaghihiwalay, at pinaghihirap?
Oo, lumaya tayo mula sa mga Espanyol noong 1898. Naligtas tayo mula sa mga Hapon noong 1945. Ngunit higit isang siglo na ang lumipas, at tila hindi pa rin tapos ang rebolusyon. Dahil hindi sapat na wala tayong amo mula sa ibang bansa. Kung mismong sa sarili nating bayan, may mga Pilipinong hinahadlangan ang karapatang mabuhay nang may dignidad.
Atin ang kalayaan ngunit kailangang ito’y patunayan, ipaglaban, at higit sa lahat, isabuhay.
Hangga’t may inaaping miyembro ng LGBTQIA+, hangga’t gutom ang magsasaka, hangga’t hindi sapat ang sahod ng manggagawa, hangga’t pinipigil ang katotohanan, hindi pa tayo ganap na malaya.
Ngunit may pag-asa. Sa bawat panulat na humahawak ng katotohanan, sa bawat tinig na hindi natitinag, sa bawat Pilipinong marunong makialam at lumaban, muling nabubuhay ang tunay na diwa ng kalayaan.
At sa araw na ito, hindi lamang natin inaalala ang kasarinlan. Tayo’y nagpapaalala sa isa’t isa na hindi natatapos ang pagiging malaya sa pagwagayway ng bandila. Ito’y nagsisimula sa pagkilos, sa pakikialam, at sa paninindigang wala ni isa mang Pilipino ang maiiwang nakakadena. Kaya, patuloy pa rin ang laban, para sa malayang bansa at mamamayan.
#AngIskolar
#ArawNgKalayaan2025
About the author
Ang Opisyal na Pahayagan sa Filipino ng Valenzuela City School of Mathematics and Science
Comments
Join the discussionNo comments yet. Be the first to comment.
Opinyon
Makikita rito ang koleksiyon ng mga opinyon, editoryal man o kolum, na isinulat ng mga mamamahayag ng Ang Iskolar.





